Print Version    Email to Friend
Hari ng walang 
hanggang kaharian

 

Si Mark Twain ay may ma-ikling kwento, “The Prince and the Pauper” na ginawang ring pelikula. Ang batang prinsipe na tila bilanggo ng palasyo ay nakatagpo ng kamukha niyang isang paslit na pulubi. Nagpalit sila ng damit upang pareho nilang matikman ang magkaiba nilang kalagayan. Dahil nagmukhang gusgusin na ang prin-sipe, walang maniwala sa kanyang tunay na pagkatao. Ipinagtabuyan siya, hindi lamang ng mga nasa palasyo, kundi pati rin ng mga pang-karaniwang tao. Sa huli lamang nabunyag na siya nga ay tunay na makapangyarihan.

Hindi ito naiiba sa ginawa ng Anak ng Diyos, na bagamat Hari ng Sanlibutan ay ipinagpalit ang kanyang karangyaan upang isuot ang aba nating kataohan. Hindi rin siya nakilala at pinagdudahan pa. Kaya nga sa ating ebanghelyo ngayong Linggo natagpuan natin si Hesus na nililitis ni Pilato. “Ikaw ba ang Hari ng mga Hudyo?” Kung alam lang ni Pilato na darating ang araw na mababaliktad ang kanilang katayuan. Si Hesus ang uupo sa kanyang trono upang si Pilato at tayo ay husgahan. Sa araw na yaon ay magiging lubos ang Kaharian ng Diyos. Sinabi niya na ang Kanyang Kahariang ay di uri ng makamundong kaharian na nakasalalay sa kapangyarihan ng militar at armas, na ang karangyaan ay di sa kayamanan matatagpuan, at lalong hindi politika ang pundasyon.  Ito’y isang Kahariang pang kalahatan at walang hanggan na tanging katotohanan ang pamantayan.

Sa huling linggo ng liturhekong taon ipinagdiriwang ang kapistahang ito upang bigyang diin na sa katapusan ng panahon lamang mabubunyag ang kabuoan ng paghahari ni Kristo. Ganoon pa man, ngayon pa lang, pinili tayong maging kaagapay Niya sa misyon ng pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos. Ang hamon ay upang manatili tayong tapat at sumusunod sa Kanya hindi lamang sa salita o pakitang taong gawa, ngunit lalo na sa pagiging totoong Kristiyano sa ating kilos at pananalita. Ang halimbawa ng ating pamumuhay ang tanging magiging saksi kung tayo nga ay kasapi sa kanyang pinaghaharian. Mula pa sa ating binyag at kumpil tayo ay itinalaga nang mga katiwala sa kanyang Kaharian. Di ito madaling gawin sa mundong pinamumugaran ng kasamaan at pagkutya sa ano mang maka-diyos na bagay. Sa kanyang yabang ang tao ay nag di-diyos-diyosan. Ano nga ba ang mga batayan ng ating mga pinaniniwalaan at pamantayan ng ating pamumuhay. Ito ba ay ang katotohanang nakasaad sa ebanghelyo, o baka tayo ay nadadala lamang ng makamundong mamamayan na tila walang inaasahang paghuhusga sa katapusan? Huwag sana tayong maging gahaman sa mga bagay na tanging pag-aari ng tunay na Hari ng Sanlibutan.

Kung may mga pangyayari man sa ating kapaligiran na para bang walang Hari na nakikialam. Huwag kang tumingala sa langit upang mag reklamo sa malungkot na kapalaran. Ibaling mo ang tanong sa sarili kung ano ang nagawa mo at ang mundo ay nagkaganyan, at ano ang magagawa mo bilang kasapi ng liping hinirang na pari, propeta, at hari. 

Ngayong ating ipinagdiriwang ang kapistahan ni Kristong Hari, mainam itong pagkakataon upang papanibaguhinang ating pangako sa Kanya na susunod, magsisilbi, magpapatotoo sa Kanyang paghahari.

Father Emil Lim SVD