Print Version    Email to Friend
Alay ng dukha

May nagsabi na minamasdan ni Kristo hindi kung magkano ang lumalabas mula sa iyong bulsa, kundi kung ano ang natitira. Kadalasan kasi binibilang natin ang nakikitang halaga ng abuloy, gayung di natin pansin ang diwa ng puso ng nagbibigay. Sa ebanghelyo ngayong Linggo, pinuri ni Hesus ang pulubing balong babae hindi kung magkano ang halaga ng kanyang alay. Sa katunayan, marahil wala iyon sa katiting sa bigay ng iba. Ngunit sinabi niya: “...ang dukhang balong iyon ay naghulog nang higit sa kanilang lahat sapagkat . . . ibinigay ng balong ito ang buo niyang ikabubuhay” (Mk. 12:43-44). Sa munting salaping kaloob, dala ay ang alay ng buong buhay na sa Diyos ay tanging bigay.

Sanay tayong makita ang mga dukha na humihingi ng limos at awa. Kaya nga, kapansin-pansin ang isang maralita na nagbibigay mula sa kanyang kunting nakayanan na nakakaantig puso at tunay na kahanga-hanga. Isang halimbawa dito ang St. Joseph Parish sa Garden Road, Central, Hong Kong. Mayaman daw ang parokyang ito dahil sa libo-libong maninimba tuwing Linggo. Ngunit pagmasdan mo ang mga parokyano, hindi sila ang mayayaman ng Hong Kong, kundi mga pangkaraniwang OFW, isa sa mga may pinakamaliit na sahod na manggagawa. Mayamang maituturing ang simbahang ito, hindi sa salapi, kundi sa kagandahang-loob ng mga dukha. Ito ay simbahan ng mga maralita, na mas malaki pa ang kontribusyon sa Diocese kaysa sa ibang parokya. Alam kong nakikita ito ng Panginoon, tulad ng pagpansin niya sa balong babae sa templo. Kaya huwag maliitin ang mga dukha, baka sila ang may mas mayamang puso. Sa totoo lang mas malaki ang “love offering” ng mga dukha kaysa sa ating may kakayanan, kaya’t marami sa atin ay walang karapatang magmataas at magmalaki, lalo na sa loob ng simbahan. Dapat alagaan at igalang ang bawat salaping nagmumula sa mga dukha, dahil ikabubuhay yun ng kanyang pamilya, at mahalaga sa mata ng Diyos.

Di natin alam kung anong nangyari sa balong babae sa templo na tila di na inalintana ang sariling pangangailangan sa pagbibigay ng lahat ng kanyang nakayanan. Ngunit sa tono ng pagpupuri ni Hesus sa kanya, sigurado ko di siya kalilimutan ni Kristo sa kanyang kaharian. Dahil di natin matutumbasan ang mas dakilang kagandahang-loob ng Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kabutihan. Hindi natin mabibili ang sariling kaligtasan, magkano man ang iyong alay na laan. Sapagkat buhay at puso natin ang tanging ninanais ng Panginoong ating pinagbibigyan.

Ang unang pagbasa na kwento ni Propeta Elias at ng balo, at ang ebanghelyo mula kay Marko, ay aral sa pagiging bukas-palad – isang katangiang sa puso lamang magmumula. Ang mga kamay na bukas sa pagbibigay ay siya ring tatanggap at kakabig ng biyayang taglay. Turo ng Simbahan na ang ating pagbibigay ng tulong ay dapat naaayon sa ating kakayanan. Iwasang malinlang ng mga mapagpanggap lamang, ngunit huwag ding magkukulang sa tunay na nangangailangan. Tunay na marami tayong prioridad at pangangailangan na dapat ding tustusan, huwag lang sana tayo kapusin sa pagbubukas ng palad sa Diyos na ating pinagsisilbihan.

  Father Emil Lim SVD