Print Version    Email to Friend
Tru lab

Kadalasan na ang ginagamit na tema sa mga awit, tula, pelikula, kwento, at iba pang uri ng sining ay tungkol sa Pag-ibig.  Bakit nga ba ang hindi?   Ito ay subok na pormula sapagkat ang anumang tungkol sa pag-ibig ay madaling makahatak ng atensiyon ng mga tao.  Isang kadahilanan pa nga marahil ay dahil ang
bawat isa, ay nakaranas nang umibig.

Sa ating mga pagbasa sa Linggong ito, higit na ay sa ebanghelyo, nasasaad na ang kautusan ng Diyos ay nakaugat sa salitang pag-ibig.  Binalangkas ni Hesus ang kautusan sa: una pagmamahal ng tao sa Diyos; at pangalawa sa pagmamahal sa kapwa katulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili.  Ngunit sa paanong paraan upang magkaroon ng kasiguruhan na dalisay ang pag-ibig sa Diyos at sa kapwa?  Paano ito magiging isang “Tru Lab”?

Una, ang pagmamahal ng buong puso.  Ang puso ang kumakatawan sa damdamin.  Kaakibat nito ay ang pagkabighani.  Hindi man ito lubusang naipapaliwanag, subalit madali itong maintindihan sapagkat ito ay nararamdaman.  Ito ay pag-ibig na naayon sa kaanyuan na kadalasan ay kagandahan. Ang Diyos at ang kanyang nilikha at kagandahan.  Tila ito isang balani na patuloy na humihila sa sinuman papalapit sa Diyos, sa tao at sa  bagay na kanyang iniibig.   

Pangalawa, ang pagmamahal ng buong kaluluwa.  Dito na napapaloob ang pananampalataya.  Ang kaluluwa ang higit na nag-uugnay sa atin sa Diyos at sa kapwa.  Ito ang hininga at buhay na ibinigay sa atin ng ating Diyos.  At ang bawat kapwa ay nagtataglay ng kaluluwa na siya namang nag-uugnay sa bawat isa.  Kaya nga hindi maaring sabihin na mahal ko ang Diyos at iwawaglit ko na ang aking kapwa sapagkat sa pamamagitan ng kaluluwa, tayo ay nagiging isa.  Isang Diyos na lumalang at isang sambayanang bunga ng Kanyang pagmamahal.  

Pangatlo ay ang pagmamahal ng buong pag-iisip.  Dito napapaloob ang pagdedesisyong magmahal.  Maraming mga tao ang nahihirapang mahalin ang Diyos lalo na sa mga sandali ng paghihirap at pagdaralita. Ganon din naman ay maraming mga tao ang mahirap mahalin higit sa lahat ay kung sila ay hindi maituturing na kabigha-bighani sa ating paningin. Subalit sa pamamagitan ng ating isip ay natuturuan nating magmahal sa Diyos at sa kapwa.  Si San Francisco Javier ay nagpahayag na siya ay nabighani sa nakapong Kristo na sugatan at hinahamak hamak.  Minahal niya si Kristo nang mga sandaling siya ay hindi pisikal na kaakit-akit.

Pang-apat ay ang pagmamahal ng buong lakas.  Sa pagmamahal natin sa Diyos at sa kapwa ay ibinibigay natin ang ating buong kakayanan.  Maraming tao na sa pag-aalay ng kanilang buong lakas ay nahantong sa pagiging martir.  Sariwa pa sa marami ang naging makabuluhang pagdiriwang ng pasasalamat sa pagiging santo ni San Pedro Calungsod.  Isa siya sa mga santong nagmahal sa Diyos at sa kapwa ng kanyang buong lakas.  Siya ay naging bahagi ng misyon upang ipalaganap ang mabuting balita at nagbuwis ng buhay para sa kapwa.

Nawa sa pamamagitan ng ating puso, isip, kaluluwa at lakas, ang bawat pagpapahayag natin ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa ay maging “Tru Lab”.

Father Alfredo Rollon SVD