Print Version    Email to Friend
Ang pagbibigay

Nang humupa na ang tubig-baha na lumunod sa Manila noong 26 Septyembre 2009, magkasabay na lumutang ang mga kwento na nakakalungkot at kwento ng kabayanihan. Isa na rito ang pagsagip ni Muelmar Magallanes, isang 18 gulang na binatilyo, na pagkatapos sumagip ng mahigit 30 katao, ay muling tumalon sa rumaragasang baha upang sagipin ang mag-inang sumisigaw ng saklolo. Nailigtas rin ito ng binatilyo, ngunit sa kasawiang palad, ang manliligtas ang di nakaligtas sa baha. Walang pasubali sa sariling kaligtasan na ibinigay ni Magallanes hanggang sa huling lakas ang pagsisilbi sa kapwa. Hindi siguro malayo na pinagtagumpayan na ni Magallanes ang buhay na walang hanggan.

Isang lalaki rin ang lumapit kay Hesus na nagtanong: “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” (Mk 10:17). Maganda ang sinimulang layunin ng binatang ito; nasa tamang lugar ang inanais ng kanyang puso – ang buhay na walang hanggan. Ang makapasok sa langit at tumanggap ng buhay na walang hanggan ay dapat nasa ating panghabang-buhay na layunin at prioridad sa buhay. At isang siguradong paraan upang makamit natin ito ay sa pamamagitan ng pagsunod sa utos ng Diyos at pag-iwas sa ano mang labag sa kanyang kalooban.

Ngunit ang kakulangan ng binata ay ang kalayaan ng puso upang magbigay ng walang pasubali – kahit ng buhay – dahil sa pagsunod kay Kristo. Saan nakatali ang aking puso, ano ang umaalipin dito at di ko malayang maibigay ang sarili kay Kristo? Kayamanan, pamilya, pangarap, galit o sama ng loob, o ang pagkamakasarili? “Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan” (Mk10:21). Ang sekreto ng kaligayahang matatagpuan sa lupa na madadala mo rin sa kabila ay ang kalayaang magbigay. Hindi ka pala tunay na magiging maligaya kung sarili lamang ang iyong inaatupag. Mahigpit ang kapit ng puso mo dahil natatakot kang mawawala ito sa iyo at tila ikamamatay mo ang mawalan. Buksan mo ang iyong palad at pakawalan mo! Matutuklasan mong biyaya ang dadapo sa bukas at malaya mong puso. Magandang pakinggan, madaling sabihin, mahirap gawin. Kaya namanglaw ang lalaki nang marinig ang payo ni Kristo at malungkot na umalis. 

May mga naghihintay na yu-maman bago makapagbigay ng maalwan. Ngunit di kaya na kung mas malaki ang kayamanan na pinangangalagaan ay siya namang hirap nitong pakawalan? Kasing hirap daw ito sa pagpasok ng kamelyo sa butas ng karayom. Di kaya ang mga kapus at wala ang minsan ay mas madaling makapagbigay kahit na maliit ang makayanan? Siguro nga ang batayan ng tunay na kayamanan ay ang halaga sa iyo ng iyong alay ngunit bukas-puso mo pa ring maibibigay.

  Father Emil Lim SVD