Print Version    Email to Friend
Paglilinis at 
bagong simula

Kapag naiinis ka, napipikon, umiinit ang ulo, at unti-un-ting kumukulo ang dugo, nais mo nang sumabog sa galit, ngunit magtitimpi ka nang galit dahil masama daw magalit. Sabi ni Aristotle madaling magalit ang sino man. “Ngunit,” dugtong niya, “ang magalit sa tamang tao, sa tamang paraan, sa tamang panahon, at tamang dahilan ay hindi madali.” 

Ang pagpapalayas ni Hesus sa mga namimili sa templo ay isang halim- bawa ng galit na may kabuluhan at nararapat lamang. Ang pinagmulan ng kanyang galit ay hindi kung anong masama ang nagawa sa kanya, kundi dahil sa paglapasta-ngan sa tahanan ng kanyang Ama. Sabi nga sa ebanghelyo: “Ang aking malasakit sa iyong bahay ay parang apoy na nag-aalab sa puso ko.” (John 2:17) Ang ginawa ni Hesus na paglilinis sa mga lumalapastangan sa templo ay hindi lamang isang emosyon na nawalan ng kontrol, kundi nagmumula sa malalim na paggalang sa tahanan ng Diyos.

Tayo kaya, paano natin maipakikita ang ating pagmamalasakit sa Simbahan? Madalas nang napapansin ang tamang pananamit sa pagsimba, tamang pagkilos sa loob ng simbahan at maingat na pagpaplano at pagganap ng mga liturhika. Ngunit dahil ang Simbahan ay hindi lamang isang gusali kundi katawang mystikal din ng mga binyagan, di kaya pati yung mga di magandang pag-uugali, siraan, inggitan, labanan ng mga taong-simbahan ay nakakarumi din sa templo ng Diyos? Kung si Hesus ang dumalaw sa ating simbahan o pamayanan, ano kaya ang uunahing niyang linisin? Ngunit ang pahiwatig ni Hesus ay hindi lamang paglilinis, kundi ang pagsisira din ng templo.

May magkaibigan na Katolikong pari at Protestanteng pastor ang
nag usap tungkol sa kanilang ipinapagawang simbahan. “Pare,” sabi ng pastor sa pari, “mag-donate ka naman para sa pagpapagawa ng bagong chapel namin.” “Naku,” tutol ni father, “hindi magugustuhan ng obispo na magbigay sa pagpapatayo ng simbahan ng mga Protestante. Pero di ba ipagigiba mo pa naman yung lumang simbahan ninyo? Yun, kung gigibain mo ang simbahan mo, sabihin mo lang, gusto naming tumulong dyan!”

Nangusap din si Hesus sa ebanghelyo ngayong Linggo na gibain man ang templo –ang templo ng kanyang katawan–ay muli niyang itatayo ito pagkalipas ng tatlong araw. Tila ba isang pagpaparamdam ito ng papalapit niyang pagkamatay at muling pagkabuhay. Bago mangyari ang templo sa Jerusalem ang sentro ng pagsamba sa Diyos; noong maganap na ang kanyang muling pagkabuhay, si Hesus na ang pumapagitna sa Diyos at tao. Sa pamamagitan ng Simbahan, tinupad ni Hesus ang pangako na muli niyang itatayo ang tunay na templo. Sa simbahan ang pagsamba sa Diyos ay hindi natatapos. Turo din ng ating Katesismo na sa pamamagitan ng Binyag, ang bawat kaluluwa ay nagiging templo din ng Espiritu Santo. Nananahan sa atin ang Diyos.

Ang pagkamatay ni Hesus at muling niyang pagkabuhay, ang pagsira at muling pagtatayo, ay isang modelo o tularan ng proseso sa buhay. Bago maitayo ang bago ay dapat munang sirain ang luma. Kailangan munang mamatay ang lumang pagkatao upang muling isilang ang bagong Kristiyano. Bago magbukang-liwayway ay dumaraan muna sa madilim na hating-gabi.

● Father Emil Lim SVD