Print Version    Email to Friend
Palabra de honor

Noon dekada 80 ay may isang patalastas ang isang bangko sa Pilipinas.  Tila ito isang munting dula na kung saan may isang lalaki na pinipigilan ng kanyang asawa na umalis ng bahay dahil sa nagbabadyang unos.  Para sa lalaki, mahalagang tumupad sa isang usapan, o isang tipanan kahit pa nga ang kinakaharap ay malakas na ulan at hangin.  Hindi ito kailangang maipagpaliban.  Pagkatapos ng tagpong
iyon ay may isang matanda na naka-barong tagalog ang nagsasabing “Iyan ang palabra de honor.”  

Ang palabra de honor ay isang kasunduan sa pamamagitan ng salita.  Walang papel na nilalagdaan.  Ang tanging inaasahan lamang ay ang katapatan ng dalawang partido na magkausap.  Ito ay mistulang sukatan ng katapatan, ng integridad, at pagiging totoo.  Ang ating Diyos ay Diyos ng “palabra de honor.”  Isang Diyos na tumupad sa kanyang pangako.  Sa paanong paraan ito ipinahayag sa ating mga pagbasa?

 Una, ipinangako niya na hindi na gugunawin ang mundo sa pamamagitan ng tubig.  Batid naman natin ang kasaysayan ni Noeh.  40 araw at 40 na gabi na umulan at namatay lahat ng nilikha maliban sa mga nasa arko.  Nanatiling tapat ang Diyos sa kanyang pangako.  Ang salita niya ay pinanaligan ng mga taong tumupad din sa kanyang mga pinaguutos.

Para naman kay San Juan, may roon pang isang pangako ang Pa-nginoon at iyan ay ang pagdating ng kanyang kaharian na magkakaroon ng katuparan sa pamamagitan ni Kristo.  Wika ni Juan “Ito na ang panahon ng Katuparan.  Narito na ang Kaharian ng Diyos.”  Ang pagdating ng ating Panginoong Hesus ay katuparan ng isang pangako, ng palabra de honor ng Diyos.  Pinalalim ito ng paliwanag sa unang sulat ni San Pedro, na kung saan ay ipinapakita na ang pagdating ni Hesus, ang kanyang pagkamatay at pagkabuhay na mag-uli ay siya rin nating kahahantungan kapag tayo ay sumunod sa kanya.  

Tayong mga nilikha ay kaba-hagi sa tipanang ito.  Ang Diyos ay tumupad sa kanyang mga ipina-ngako.  May ilang nagsasabi na ang ating henerasyon ay hindi na nagpapahalaga sa usapan, o tipanan.  Sa atin ang isang pangako ay maari ng baliin.  At kung umabot ito sa kinauukulan, mahirap nga namang patunayan sapagkat walang pirmahan na naganap.  

Subalit iba ang Diyos, siya ay buong pusong nagtiwala sa ating kanyang nilikha.

Ngayong kuwaresma, nawa ay pagnilayan natin ang ating tugon, ang ating pagtupad sa ating sinumpaan sa Diyos noong tanggapin natin siya sa ating buhay.  Ang panahong ito ng paghahanda
sa pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoon ay makakatulong sa atin upang mas lubos na maunawaan ang pagliligtas sa atin ng Diyos.  Sundin natin ang mga tagubilin ni San Juan:  “magsisi sa mga kasalanan at manalig sa ebanghelyo ng Diyos.”  Ating alalahanin na tayo man ay may bahaging kailangang gampananan sa tipanang ito ng Diyos at tao.  Sundin ang kagustuhan ng Diyos.  Ipakita natin sa Panginoon na tayo bilang kanyang nilikha ay mayroon ding palabra de honor.

● Father Alfredo Rollon SVD