Print Version    Email to Friend
Abot-tanaw abot-kamay

Tuwang-tuwa ang isang kapa-tid sa pananampalataya na makasalo sa kainan ang isang sikat na preacher na kanyang hinaha-ngaan. Di niya akalain na siya ay bibiyayaan na makalapit at makausap ang isang lingkod. “Pinagpala ako ng Diyos,” sabi niya sa preacher, “Sapat na sa akin na abot-tanaw ko lang kayo; ngayon abot-kamay pa. Praise the Lord!”

Mahigit pa sa doble siguro ang tuwa na naramdaman ng ketongin na nakalapit at pinagaling ni Hesus sa ebanghelyo natin ngayong Linggo. Dahil ang may mga ketong ay itinuturing na marumi at tila itinakwil na kahit ng Diyos at ng sariling pamilya, di sila dapat lumapit sa mga walang sakit at malilinis ang balat. Sa mga ganitong itinapon na sa labas ng lipunan ang lahat ay abot-tanaw na lamang. Ngunit sa isang ketongin na naglakas-loob na lumapit kay Hesus, ang Diyos ay abot-kamay na rin.

May simple ngunit mabisang leksyon ang ketonging ito kung paano dumulog sa Diyos. Tatlo ang salitang ginamit: ‘lumapit’, ‘nanikluhod’, ‘nagmakaawa’. Walang mapapala ang taong nananatiling malayo o lumalayo sa Diyos. Kinilala niya ang kanyang masidhing pangangailangan, at alam niya na nasa Panginoon ang lunas at tulong sa kanyang situwasyon. Nagtiwala siya kay Hesus—isa pang halimbawa ng pananampalatayang nagdadala ng himala. At siya ay naglakas-loob na lumapit kay Hesus. 

Siya rin ay nagpakababang-loob, lumuhod sa harap ni Hesus, at nagmamakaawang nanalangin ng simple, diretso, tumpak, at mabisa: “Kung ibig po ninyo’y mapagaga-ling ninyo ako.” Bakas sa isang katagang dasal na ito ang pagsuko sa kalooban ng Diyos, ngunit malinaw din ang kanyang kahilingan—ang gumaling at muling maging malinis sa mata ng tao at sa harap ng Diyos. 

Tatlo rin ang aksyon na ginawa ni Hesus para sa ketongin: ‘nahabag’, ‘hinawakan’, at ‘sinabi’ ang makapangyaring salita na nagpapagaling. Ang pagtulong sa kapwa ay nagsisimula sa pagdamdam. Ang tawag natin sa taong di marunong tumulong sa kapwa ay manhid at walang damdamin. ‘Sensitive’ ba tayo sa pangangailangan at damdamin ng iba, o magaspang at matigas pa sa bato ang ating pag-uugali? 

Nang lumapit ang ketongin kay Hesus, saka naman lumayo ang ma-rami dahil sa takot na mahawa o pandidiri sa dumi at amoy ng isang may sakit. At laking gulat ng mga nanatili at nakatingin dahil iniabot naman ni Hesus ang kanyang kamay. Ito ang ‘reach-out’ sa kapwa; di natatakot, di nandidiri, hindi naghahanap nang kung anong bayad o kapalit. Sino man ang lumapit kay Hesus ay nahihipo ng kabanalan, kagalingan, awa at pagpapatawad ng Diyos. Sino ang hindi gagaling kung tayo ay madampian ng kapangyarihan ng Diyos: ang sakit ay gumagaling at ang kasalanan ay nawawala na parang bula.

“Ibig ko. Gumaling ka!” Ito ang gusto ng Diyos para sa bawa’t tao. Minsan sa Diyos natin ibinibigay ang sisi kapag masama ang mga nangyayari. Sa tingin mo masama ang intensyon ng Diyos; na gusto niya tayong masira at mapasama? Hindi! “Ibig ko. Gumaling ka! Ulit-ulitin natin ito sa ating puso at isipan hanggang tumanim sa atin na maganda ang plano at pangarap ng Diyos para sa bawa’t tao.

Narito na ang Kaharian ng Diyos. Bumaba ang Diyos sa lupa, siya ay nagpakita, nagsalita, nagturo at nagpagaling dahil ibig ng Diyos na Siya ay di abot-tanaw lang, kundi abot-kamay din.

  

        l Father Emil Lim SVD