Print Version    Email to Friend
Ang liwanag ni Kristo

 

Ang bahaging ito ay paglalahad ni San Marcos ng
isang araw sa buhay ng Panginoon sa Caparnaum. Naganap sa isang lugar at sa loob ng 24 oras, pinagsunod-sunod niya ang apat na scenario na nagpapakita ng gawain ng Panginoon. 

1. Sinimulan niya ito ng isang himala—ang pagpapalayas ng masamang espiritu sa taong
inaalihan nito sa isang synagoga sa Caparnaum.(1:23-28); 

2. Sinundan ng pagpapagaling sa biyenang babae ni San Pedro na inaapoy ng lagnat (1:29-31);  

3. Ang pagpapagaling sa mga maysakit at inaalihan ng demonyo sa buong bayan (1:32-34) 

4.  At ang patuloy na pagpapahayag at pagpapagaling sa ibang lugar at sa buong Galilea (1:38-39). 

Ang lahat ng ito’y naglalahad ng programa ng Mesias na nagsisimula na ng papel na gagampanan. Nalalapit na ang  Kaharian ng Diyos at narito na nga ang patunay, ang pagwasak sa kapangyarihan ng kadiliman, ni Satanas. “Naparito Ka ba upang wasakin kami?” Tanong ng masamang espiritu. “Natural,” wika ng Panginoon. “Alam ko kung sino Ka, si Jesus ng Nazareth, ang Banal ng Diyos.” “Tumahimik ka,” wika ni Jesus. Pagkatapos mapatahimik ang masamang espiritu, siya’y pinalayas ng Panginoon. Ito rin ay ating magagawa, sa ngalan ni Jesus. Ang kapangyarihan ay ibinigay sa atin ni Jesus. Ngunit bago ito ay suriin natin ang ating sarili. Ito ang ating personal na pakikipaglaban sa paghahari ng Diyablo. Nariyan ang espiritu ng kamunduhan; ang espiritu ng materialismo, ng kasakiman at kagahaman sa pera at material na lumilipas lamang; nariyan ang espiritu ng kapalaluan, banidoso; ng katakawan sa alak, droga o sugal; ng kasibaan sa pagkain, sa posisyon o kapangyarihan. Dapat nating matanto kung sino ang kalaban sa ating puso upang si Kristo ang tunay na maghari. 

Sa Linggong ito ginugunita natin ang kapistahan ng Candelaria, ang paghahandog ng Mahal na Birhen at San Jose sa Niño Jesus sa Templo ng Jerusalem. Katulad ng propesia ni Malakias (3:1-4) ang Panginoon ay darating isang araw sa kanyang Templo. At sino ang makatatagal dito? Sapagkat ang pagdating ng Panginoon ay tulad ng isang apoy na lilinisin ang mga dumi ng ginto at pilak upang maihandog ng malinis sa Diyos. Duon magiging kalugud-
lugod ang alay sa Panginoon. Sa pagkatok ng Panginoon sa ating puso, dala-dala Niya ang liwanag ng Diyos. Buksan ang ating puso; buksan ang ating palad. Siya ang liwanag na pumapasok na inaantay ni Simeon sa Templo bago siya pumanaw. Siya ang pinapupurihan ng propetisang si Hanna. Sa araw na ito, sa mga Simbahan sa atin ay mayroong pagbabasbas ng mga kandila bago magmisa, kung kaya’t tinagurian itong Kapistahan ng Candelaria. Katulad ng sinabi ni Simeon, “Panginoon, maaari na akong pumanaw sapagkat nakita ko na ang iyong pagliligtas, isang liwanag na sumisikat sa mga Gentil.” Maaari ko bang sabihing nasaksihan ko na rin ang presencia ng Diyos? 

Bunutin natin ang mga munting demonyo sa ating puso at dibdib upang makapasok ang liwanag ni Kristo. Siya ang ating magiging liwanag at tayo rin ay magiging liwanag sa ating kapaligiran.

 

l Father Emil Lim SVD