Print Version    Email to Friend
Paghahanda sa pangako ng Diyos

Lagi nga bang napapako ang mga pangako?  Tanong lamang ito sa kasabihan na ang pangako ay laging napapako.  Nangangahulugan na ang isang tao ay hindi tumutupad sa isang kasunduan, sumpa, o pangako sa kanyang kapwa.  Marami sa atin sa pagpunta natin sa Hong Kong ay nag-iiwan ng pag-asa sa mga mahal natin sa buhay sapagkat para sa atin, ang pagtratrabaho sa ibang bansa ay siyang tugon sa ating mga pangarap.  Ang ating salita ay pumupuno ng pag-asa sa mga taong umaasa sa atin.  Hangad natin na hindi sila mabigo kaya pagsusumikapan natin na manatili at kumita sa ibang bansa.  

Ang Diyos ay may pangako rin sa atin. Iyan ang ang kaligtasan at pagkakamit ng buhay na walang hanggan.  Subalit paanong ginaganap ito ng Diyos?  Sa paanong paraang ang pagdiriwang natin ng Adbyento ay magsisilbing paghahanda natin sa pagtanggap ng katuparan ng mithiin ng Diyos para sa ating lahat?

Una, tanggapin natin ang mabuting balita ng Diyos katulad ng pagpapahayag niya sa pamamagitan ni propeta Jeremias. Sinabi niya na darating ang panahon na tutuparin niya ang kanyang binitiwang pangako kay Israel at Judah. Uusbong ang tagapagligtas mula kay David at siya ang magtatama at maghahatid ng katarungan sa lupain. At siya ay tatawagin: “Ang Panginoon ang ating Katarungan.”  Ito ay natupad sa katauhan ng ating Panginoong Hesus.  Hindi nakakalimot ang Diyos at hindi nagbabago ang kanyang pag-ibig sa sanlibutan. Sa ating paghahanda, ay inihahatid tayo sa araw nang pag-alala natin sa pagdating ni Hesus.  Sapagkat sa kanya natupad ang balakin ng Diyos.

Pangalawa ay ang pagsusumikap nating lumago sa pananampalataya.  Ito ang ipinahahayag ni San Pablo sa kanyang sambayanan sa Tesalonika.  Batid niya na ang mga tao ay nangangailangan ng pagpapalago ng pananampalayang nasa kanila na.  Hindi ba at tayo ay ganon din.  

Bagamat tinanggap na natin ang Diyos sa binyag ay patu-patuloy pa rin tayo sa pagsasariwa ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagdarasal, pagtanggap sa katawan at dugo ni Kristo sa sakramento, pag-aaral ng Salita ng Diyos, at higit sa lahat ay ang pagkakaroon ng buhay na matuwid at kasiya siya sa mata ng Diyos.  Nawa sa taong ito na kung saan ay pinagdiriwang natin ang ating pananampalataya, matulungan nawa tayo upang tayo ay yumabong sa ating buhay spiritwal.

Pangatlo ay ang pagsusumikap nating manatiling mapagmasid at handa.  Tunay ngang nakakalilibang ang mundo at dahil dito ay baka tayo ay mawili at malimutan natin na si Kristo ay darating na muli.  Ito ang paalala sa atin ng ebanghelyo, na manatiling nagmamasid at handa.  Walang nakababatid sa takdang araw.  Subalit sa laki ng pagmamahal sa atin ng Diyos ay mulit-muli niya tayong pinapaalalahanan, ginagabayan, at pinangangaralan nang sa gayon ay hindi maging huli ang lahat para sa atin.  Kaakibat ng kanyang salita ay ang palagiang pagdarasal sapagkat sa ganitong paraan tayo mananatiling kapiling ng Diyos.  

Ang mga pagbasa ngayon ay puno ng ng salita ng pag-asa mula sa Diyos.  Ang pagsapit ng panahon ng Adbyento ay paghahanda para sa ating lahat na tamasahin ang kabutihan ng Diyos at ang katuparan ng kanyang pangakong kaligtasan.

Father Alfredo Rollon SVD