Print Version    Email to Friend
Eh di wow

Eh di Wow.”  Ito ay isang makabagong expression na tinuturan ng maraming tao.  May bahid ito ng kaunting pang-iinsulto lalo na nga at ang isang tao ay nag mamayabang sa kanyang nagawa o pangyayari na naganap sa kanyang buhay.  Kadalasan, ang katagang ito ay dinudugtungan pa natin ng katagang: “Ikaw na ang pinakamagaling.”

Mayroong “Eh di wow” na sitwasyon na naganap sa ating ebanghelyo sa Linggong ito.  Matapos ibahagi ni Hesus ang kasasapitan ng kanyang buhay, ang kanyang pagpapaubaya at pagkamatay, ay napansin ng ating Panginoon na ang kanyang mga alagad ay nag tatalu-talo kung sino nga ba sa kanila ang maituturing na pinakamagaling o siyang naka-aangat sa lahat.  Marahil ay natural lamang ito sa isang organisasyon o samahan na magkaroon ng tila pagsusukatan sa mga nagawa, kapangyarihan, o impluwensiya ng mga kasapi.  Subalit sa mata ni Hesus, sino nga ba ang pinakamagaling at siyang makapapasa sa kanyang pamantayan?

Una ay ang taong may kababaang-loob. Ang pinakamagaling ay siyang dapat na maging huli at maging lingkod ng lahat.  Ang maging huli sa lahat ay nangangahulugan na walang upuan natatangi sa mga salu-salo, walang karapatang mag talaga ng sarili bilang isang pinuno dahil lamang sa pamantayang “kami ang nauna”, o mas higit na nakakaalam.  Ang maging lingkod ay nangangahulugan ng pag aalay ng oras at kakayanan, maging ng sarili para sa iba.  Sa konteksto ng ebanghelistang si Juan, ito ay nangangahulugan ng paghuhugas ng paa ng iyong kasama. (Juan 13:1-17).  O kaya naman ay ang pag-aalay ng buhay para sa iba. (Juan 15:13)

Pangalawa ay ang taong mapagmalasakit.  Ang  pagtanggap sa kapwa tulad sa pagtanggap sa isang bata ang pangalawang tinuran ni Hesus.  Kumuha ang ating Panginoon ng isang bata, inilagay sa gitna, at inakbayan ito habang sinasabihan ang kanyang alagad na tanggapin ang batang ito sapagkat sa ganong paraan ay tinatanggap natin si Hesus at ang Amang nagsugo sa kanya.  Malimit nating naririnig ang pagkalinga sa mga walang malay at aba.  Patuloy pa rin na talamak ang mga pag-abuso sa mga walang kakayanan at mahihina.  At patu-patuloy pa ring ginagamit ng Diyos na pamantayan ng kabanalan at pagiging tunay niyang alagad ang pagmamalasakit natin para sa iba.  Kailan ka huling nakipagpalaban para sa kapakanan ng mga bata at mahihirap?  Sa ating panahon, sila ang mga nagdurusa dahil sa kapabayaan ng mga taong dapat sana ay nakikialam para sa ikaaayos ng buhay ng mga aba.  Subalit kabaligtaran ang ating nakikita sapagkat ang mahihina ang
mga unang napagsasamantalahan, inaabuso, at pinagkakaitan ng pagmamahal.

Kababang-loob (maging huli at maging lingkod) at pagmamalasakit (sa mga bata at mga mahihina) ang nais ipahatid sa atin ni Hesus.  Siya ang Diyos na tunay na nakababatid kung ano nga ba ang kahulugan ng pagiging “Pinakahigit” at “Pinaka- bata ng hirap at nag-alay ng buhay para sa lahat.   Siya ang tunay na WOW na magiging pamantayan  natin upang malaman kung sino nga ba ang “pinaka”  hinggil sa mga bagay-bagay na may patungkol sa ating pananampalataya.

Father Alfredo Rollon svd