Print Version    Email to Friend
Pagkabighani sa liwanag

Natatandaan pa ba ninyo ang kwento noong isang batang gamu-gamo na nabighani sa liwanag na nagmumula sa isang ilawang gaas?  Pinagbawalan siya ng kanyang ina na lumapit sa ningas ng ilawan sapagkat siya ay masusunog nito.  Subalit hindi siya napaawat sapagkat para sa kanya ay tunay na kabighabighani ang liwanag.  Malungkot ang kinahantungan ng kwentong  ito sapagkat sa paglapit  sa ningas ay nasunog at namatay ang batang gamu-gamo.  Kalungkutan nga bang iisipin o isang tagumpay ang  pangyayaring ito?

“Ang mga taong nasa kadiliman ay nakakita ng liwanag.”  Ito ang ipinahihiwatig ng unang pagbasa na ayon kay propeta Isaias. Ang dilim ay kumakatawan sa kasalanan at kawalang pag-asa, gayon din ang kamatayan ng katawan at kaluluwa.  Ang liwanag ay kumakatawan sa kaligtasan ng sangkatauhan na nagkaroon ng katuparan sa pag-
dating ni Hesus.  Ang liwanag na ito ay kailangan maikalat hindi lamang sa hinirang na lipi ng Diyos kung hindi sa buong sanlibutan.  Dahil dito ay sinimulan ng ating Panginoon ang kanyang misyon.  

Hindi nag-iisa si Hesus sa kanyang misyon.  Tumawag siya ng mga taong magiging kasama niya.  Ang mga nauna sa kanyang tinawag ay ang grupo ng mga mangingisda sa may dagat ng Galileya.  Tinawag niya ang magkapatid na si Simon at Andres, ganoon din ang magkapatid na si Santiago at Juan.  Sa unang paanyaya pa lamang ng ating Panginoon ay kanila nang tinalikdan ang kanilang pangingisda ganoon din ang kanilang mga mahal sa buhay.  Si Hesus ay mistulang nangisda ng mga mangingisda.  Ang mga unang alagad ay tila mga gamu-gamo na naakit sa liwanag ng ating Panginoon.  Hindi nila inalintana ang maaring maging panganib na kanilang haharapin sa pagsunod kay Kristo (na ayon nga sa kasaysayan ay nauwi sa pagbubuwis ng kanilang mga buhay).  Naakit sila sa pangako ni Hesus na gagawin silang mga mangingisda ng sangkatauhan.

Tayo man ay naakit din sa liwanag ni Kristo.  Batid natin na sa pamamagitan Niya ay mayroong kaligtasan.  Subalit kailangan din nating mabatid na ang mundo nga-yon ay mistulang nasa gitna rin ng kadiliman. Talamak ang krimen, ang masasamang bisyo, ang mga maling gawi, ang hidwaan maging sa pamilya at lipunan, at higit sa lahat ang walang kabuluhang kamatayan sa gitna natin.  Ang bawat isa ay tinawag ng Diyos upang ipahayag ang kanyang
mabuting balita ng kaligtasan.  Tularan natin ang mga tagasunod ni Kristo.  Maging mga Simon at Andres tayo para sa ating kapwa.  Nawa ay maging mga Santiago at Juan tayo na tinalikdan ang kanilang kabuhayan at mahal sa buhay at dagling tumalima sa kagustuhan ng Diyos.  Nawa ang pagkabighani natin sa liwanag ay masalamin sa ating pagsamba at paglilingkod. 

Bilang pang huli ay pagnilayan natin ang ilang linya sa awiting Liwanag ng Aming Puso at uma-sang patuloy tayong mabighani kay Kristo Hesus, ang tunay na Liwa-nag.

Liwanag ng aming puso sa ami’y manahan ka. 

Ang init ng yong biyaya sa amin ipadama.  

Patnubay ng mahihirap o aming pag-asa’t gabay. 

Sa aming saya at hapis tanglaw kang kaaya-aya. (Tagle-Hontiveros).

 

λ Father Alfredo Rollon svd