Print Version    Email to Friend
Binyag at ang misyon

Natural sa magulang ang matuwa at maging proud sa kanilang anak, lalo na kung ito ay matalino at matagum-pay. Sa ating ebanghelyo ngayong kapistahan ng pagbibinyag kay Hesus sa ilog Jordan, ay hindi lamang pagmamalaki ang ginawa ng Ama sa pagsasabing “Ito ang minamahal kong anak na lubos kong kinalulugdan.” Tulad ng kapistahan ng Epiphania noong nakaraang Linggo, ang pagbibinyag kay Hesus ay isang pagpapakita o pagpapakilala ng Diyos na si Hesus ang sinugong Mananakop ng mundo. 

Itinatakda rin dito ang tawag kay Hesus upang simulan ang kanyang misyon. Ang pagbaba ng Espiritu Santo sa kanya sa anyong kalapati ay tanda na ang kanyang kapangyarihan ay mula sa Diyos at ang Espiritu Santo ay gumagabay at nagpapalakas sa kanya sa lahat niyang gawa.  Bagama’t naiiba si Hesus sa lahat ng isinilang sa lahi ni Adan dahil lahat ay may bahid ng kasalanan, si Hesus ay sumailalim pa rin sa pagbibinyag ni Juan upang maging ganap ang kanyang pakiki-isa sa ating abang katayuan bilang nilalalang na tao. 

Iba ito sa pagbibinyag ni Kristo na ating tinanggap bilang Kristiyano. Maliban sa paglilinis sa atin mula sa kasalanang mana (original sin), noong tayo ay binyagan sa tubig at Espiritu Santo, tayo rin ay isinasapi ni Kristo sa kanyang buhay at tayo ay nagiging kaisa niya. Napakaganda at napakalalim ng kahulugan ng binyag sa ating katuruang Katoliko. Magandang pagkakataon ito upang sariwain natin ang ating katekismo tungkol sa sakramento ng Binyag.

Ang binyag kay Kristo ay binyag din sa kanyang paghihirap at kamatayan. Kung sa binyag tayo ay nagiging kabahagi sa buhay ni Kristo, makasisiguro ka na ano mang hirap, hapdi, at sakripisyo ay pakikiisa mo sa kamatayan ni Kristo. Marahil ay natatanto rin ni Hesus na kalakip ng pagbibinyag ay inaako rin niya ang misyon na mag-alay ng kanyang buhay. Ang binyag ay hindi isang ‘exemption’ ngunit isang ‘inclusion’ – kasama rin tayo sa krus na papasanin ni Kristo.

Ngunit wag nating kalimutan na hindi ang kamatayan ang huling hantungan ng binyag kay Kristo. Tayo ay aahon din sa tubig ng kamatayan tungo sa muling pagkabuhay. Sa binyag ay ibinibigay sa atin ng Diyos ang pangako nang mas magandang buhay, marahil hindi ito karangyaan dito sa lupa, ngunit ang pagkakataong makiisa sa kaluwalhatian ng Diyos sa kanyang kaharian. Ang binyag ay pag-asa, pananampalataya, biyaya, lakas, at pagsugo mula sa Diyos na tayo ay tunay na nakiki-isa kay Kristo sa buhay ng pagsisilbi at pagmamahal sa Maykapal at sa kapwa, sa kamatayan sa kasalanan, at muling pagkabuhay na walang hanggan.

Kung papaano sinisimulan ni Kristo ang kanyang misyon sa pamamagitan ng pagbibinyag sa kanya ni Juan Bautista, ganoon din naman sa ating binyag ay ibinigay din sa atin ang misyon upang maging alagad ni Kristo. Hindi sa handaan nagtatapos ang binyag, ito ay patuloy na isinasabuhay. Sana’y masariwa natin ang misyong ating tinanggap noong tayo ay bininyagan at naging tagasunod ni Kristo upang umakay ng kapwa upang lahat ay mapalapit kay Kristo at maisama sa kanyang binyag ng pagliligtas. 

 

   l Father Emil Lim svd