Print Version    Email to Friend
Ang tapat na alipin

Madalas gamitin ni Hesus bilang halimbawa ang mga alipin sapagkat pang-karaniwan noong panahon ng Ebanghelyo ang mga alipin. Noon pa man ay napapansin na ni Hesus ang kanilang katayuan sa lipunan. Sila ay itinuturing na pag-aari ng kanilang amo at hindi suwelduhang empleyado kagaya ng mga
domestic helper ngayon. Halos wala silang karapatan at kalayaan. Ang kanilang buong buhay, lakas, panahon, at talino ay nakatuon lamang sa pagsisilbi sa kanilang mga panginoon. Ganoon din naman, itinuturo ni Hesus sa Ebanghelyo ngayong Linggo, ang ating pagiging handa sa pagdating ng Panginoon ay tulad din ng
paghihintay ng alipin sa kanyang panginoon.

Una sa mga aral ng ating mga pagbasa ay ang lubusang
pagtitiwala sa Panginoon. Walang ibang inaasahan ang alipin maliban sa mga ipagkakaloob sa kanyang amo. Alam niya na ang tanging sandalan niya sa buhay ay ang lakas at kagandahang-loob ng kanyang panginoon. Wala siyang yaman o pangsariling kakayahan na ipagmamalaki kundi ang magandang pakikitungo sa kanya ng kanyang panginoon. Kaya nga, ang buong puso ng alipin ay nakatuon sa pagsisilbi at paghihintay sa kanyang panginoon. Maitatanong natin sa ating sarili kung saan nakasalalay ang ating buong pagtitiwala. May matibay na katuwiran nga manalangin at umasa tayo sa Diyos na tila ba lahat ay naka-depende sa Kanya, sapagkat, tunay nga ang lahat ay nasa kanyang kamay.

Pangalawa, itinuturo din ni Hesus na maging palagi at mapagpursige ang ating katapatan sa Diyos. Isa daw sa mga kahinaan ng mga Pilipino ay ang pagiging ningas-kugon: magaling sa una, mabilis namang nanghihina sa huli. Ang taong ganito ay masigasig sa paglapit at pagtawag sa Diyos, ngunit madaling nakakalimot paglipas ng unos. Madali rin siyang bumibigay kapag medyo mapahaba ang paghihintay sa tugon at bigay na pagpapala ng Diyos. Hindi madali ang pagbabago ng buhay, ngunit minsan mas mahirap manatiling tapat sa panibagong buhay. Maitatanong natin sa sarili kung saang aspeto ng ating pagpapabanal tayo madalas madapa at manghina. Sa mga bagay na ito tayo dapat dobleng maging mapagmatyag at handa.

Pangatlo, ang alipin ay inaasahan ding mapag-kakatiwalaan ng kanyang panginoon. May mga responsibilidad tayong dapat gampanan. Sabi nga ng ating kasabihan, bagama’t nasa Diyos ang awa at biyaya, nasa atin pa rin ang pag-gawa. Ang mga ito ay hindi natin dapat tingnan bilang mga pabigat sa buhay. Bagkus pa nga ito ay isang prebelihiyo upang maging katuwang ng Panginoon sa kanyang gawain sa lupa.

Sa huli, naroon ang pakikipagtuos natin sa ating Diyos. Nawa pagdating ng panahon ng ating pakikipagharap sa kanya ay matagpuan tayong matapat na alipin ng Panginoon.

 

 

        l Father Emil Lim svd