Print Version    Email to Friend
Laging magdasal

K

apag wala nang magagawa, ubos na ang paraan, wala nang pag-asa, at saka natin sinasabi: “mag-pray na lang.” At least may tiwala tayo na may bisa ang panalangin, at tayo ay sumasampalataya sa mapaghimalang Diyos. Ingatan lamang natin na ang ganitong attitude sa pananalangin ay hindi maging isang lampang pagdadahilan na kung kailan huli na ang lahat at saka tayo tatawag sa Diyos. Ilan sa mga aral na mapupulot natin sa ebanghelyo ngayong Linggo ay ito: dapat lagi tayong magdasal, huwag magsasawa o manghihina sa pagdarasal, sapagkat tunay na epektibo ang panalanging may pananampalataya.

Madalas banggitin sa ebanghelyo na si Hesus ay laging nagdarasal, kahit na saang lugar, at karaniwang nag-iisa. Itinuturo ni Hesus sa kanyang halimbawang ito na ang panalangin ay ‘life-line’ ng kanyang kaugnayan sa Ama. Komunikasyon ay pinakamahalaga sa ating mga relationships, lalo na sa ating pakikitungo sa Diyos. Kaya nga itinuro ni Hesus na ituring natin ang Diyos bilang “Ama Namin”. Ang pagdarasal ay pagkilala na tayo ay mga anak ng Ama. Sa panalangin ay ating ipinagkakatiwala sa Maykapal ang lahat-lahat sa ating buhay. Kapag tayo ay nagdarasal hindi lamang nagbubukas ang ating puso at isip sa Diyos, nabubuksan din ang langit sa atin, at tulad ng halimbawa ni Abraham sa unang pagbasa, naaabot ng ating pagnanais ang kalooban at plano ng Diyos. Ang dasal ay hindi ‘for emergency only’ o kung tayo ay nasa mood lamang. Ang pagdarasal ay kailangang maging bahagi ng ating pang araw-araw na kagawian tulad ng pagkain, pagtulog, o pagiisip sa ating mga mahal sa buhay. 

Sa susunod na bigkasin mo ang Ama Namin, isipin mo na ganyan magdasal si Hesus. Ito ay isang modelo kung paano tayo dapat nagdarasal. Inuuna ang pagsamba, papuri at pasasalamat sa Ama, at saka pa lamang natin itataas sa kanya ang ating mga kahilingan tulad ng tinapay at ibang pangangailangang pangkatawan, pagpapatawad ng ating sala, maka-diyos na pagturing sa kapwa, at lakas upang makaiwas sa kasalanan at panlaban sa masamang kaaway. Magandang pagnilayan natin bawat salita at kataga sa panalangin ito na ipinamana sa atin ni Hesukristo.

Ngunit hindi ito madali, hindi agad ipinagkakaloob ang ating hinihingi, at kapag tayo ay naging abala at manlamig na saka tayo nagsasawa sa pagdarasal. Sa talinghaga ng mapagpursiging kaibigan sa ebanghelyo, turo ni Hesus na huwag hihinto sa pagdulog sa Diyos. Ang ating pagtitiwala sa Diyos ay napapalakas sa ating pagpupursige. Ang matibay na Kristiyano ay hindi sumusuko sa paghingi ng tulong sa Diyos. Tanungin mo ang mga nanlamig na Kristiyano, ano ang unang nawala sa kanila. Karaniwan unang nawala ang kanilang pagdarasal. Kaya nga’t mahalaga na tayo ay may sariling habit o kagawian ng madalas at malalim na pananalangin.

Ayon kay Karl Barth, isang kilalang teologista, ang panalangin ay pagpapaalala natin sa Diyos ng kanyang mga pangako at magandang kalooban para sa atin. Kung tayo ay mabuti at mapagbigay, mas lalo na ang Diyos na parang magulang na di magkakait sa kanyang mga anak. At iniwang muli ni Hesus ang pangako niya: “Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo, at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo at pinto’y bubuksan para sa inyo” (Lk.11:9).

 

              l Father Emil Lim svd