Print Version    Email to Friend
Mabait matuwid mabuti

Dalawang mahalagang katanungan ang sinagot ni Hesus sa ebanghelyo nga-yong Linggo: Una, “Ano ang dapat gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” Sa dinami-dami na ating pinagkakaabalahan, iniisip, at ipinag-aalala, sana malinaw pa rin sa atin kung ano ang tunay mahalaga, kagaya ng kaligtasan at buhay na walang hanggan. Isang simpleng tanong sa sarili: ligtas ka na ba sa kabilang buhay?

Ang sagot ni Hesus sa eskribang nagtatanong ay: “Ano ang nakasulat sa kautusan?” Para bang sinasabi ni Hesus sa kanya: “Itinuro na ng Diyos kung paano ka makakapasok sa langit, nakasaad na iyan sa banal na kasulatan, at doon mo pwedeng mabasa ang kasagutan.” Sa bibliya pa rin natin matatagpuan ang tamang kasagutan sa mga mahahalagang katanungan sa buhay. 

Napapaloob din sa sagot ni Hesus na mahalaga ang pagsunod sa mga kautusan at mamuhay ng ayon sa kalooban ng Diyos. Ang pagkamit ng buhay na walang hanggan ay nakasalalay rin sa pag-ganap ng mga utos ng Diyos. Mainam na simula kung tayo ay ‘Mabait’–kaayaaya sa mata ng tao. Ngunit kailangan din na tayo ay ‘Matuwid’ – kaayaaya sa mata ng Diyos. Ang taong matuwid ay kumikilos ayon sa panuntunan ng Diyos. Hindi siya lumalabag sa mga kautusan ng Maykapal. At ang pinakadakilang kautusan at kabuoan ng lahat ng batas ay ang Pag-ibig sa Diyos at Pagmamahal sa Kapwa. Ang tunay na matuwid na tao ay hindi lamang alipin ng batas kundi alagad ng pag-ibig. Hindi siya isang robot na maayos ang pag-kilos alang-alang sa mahigpit na pagtupad lamang sa bawat letra ng batas. Bagkos siya ay kaibigan ng batas dahil may puso siya sa pinagmumulan ng batas (ang Diyos) at pinatutung-kulan ng batas (ang tao).

Ang ikalawang mahalagang tanong na sinagot ni Hesus sa ebanghelyo ngayon ay: “Sino ang aking kapwa?” Sa halip na sagutin ito ni Hesus sa pamamagitan ng mahabang pagpapaliwanag,
idinaan niya ito sa pamamagitan ng isang kwento: ang talinghaga ng Mabuting Samaritano. Ang ‘Mabuting’ tao ay lumalabis pa sa pangkaraniwang kabaitan at di paglabag sa batas. Ang mabuting tao ay may tunay na pakikipag-kapwa. Nakikita ang kanyang kabutihan hindi sa mga bagay na di niya ginagawa kundi sa mabubuti niyang ginagawa. Sa panahong iyon ng ebanghelyo, ang samaritano at kabutihan ay di magkatugma at di pinagsasamang salita ng mga Hudyo. Ngunit sa mata ni Kristo, mabuti ang sinumang may awa at nagmamalasakit at tumutulong sa kapwa.

Ang mabuting pakikipagkapwa ay di pumipili kung sino ang pagmamalasakitan at kung kailan tutulungan ang kapwa. Iba man ang lahi, kulay, o pinanggalingan; ano man ang dahilan ng kanyang kasawian at kalagayan, sapat na na ang kapwa ay isang nilalang na may pangangailangan upang ito ay lapitan at tulungan. Ang pagmamahal sa kapwa ay walang hangganan at aktibong nakikiramay sa kapakanan ng nangangailangan. Sa talinghaga ng mabuting samaritano, hinihikayat tayo ni Kristo na buksan ang ating isipan, palaparin ang ating pang-unawa, at palawakin ang ating pagmamahal sa kapwa. Nasaang antas ka na ng pagkatao: Mabait, Matuwid, o Mabuti? Bilang Kristiyano sana matagpuan sa atin ang lahat ng katangiang ito.  

 

         l Father Emil Lim svd