Print Version    Email to Friend
Busog

May bagong gimik ang ilang mga restaurant sa Pilipinas. Ito ay ang Unli. Unli rice, unli ulam, unli drink, unli sabaw at kung ano-ano pang unli ang ginagamit na pang-akit sa mga taong . . . gutom. (Ang unli nga pala ay pinaiksing unlimited.) Titiyaking bubusugin ang bawat kakain sa presyong abot-kaya. Ang resulta? Dinadagsa ang mga nasabing kainan ng napakaraming tao.  

Ang ebanghelyo na ginamit upang ipagdiwang ang kapistahan ng Katawan at Dugo ni Hesus ay tungkol sa pagpaparami ng tinapay at isda ayon kay San Lukas. Tila nakatagpo ang mga tao ng Unli sa pamamagitan ng pagpapakain sa kanila ng ating panginoong Hesus.  Sa pagpaparami ng pagkain ay binusog ni Hesus ang pisikal na pangangailangan ng tao. Subalit hindi mangyayari ito kung wala ang tatlong mahahalagang sangkap nang pagpaparami ng tinapay at isda.

Una ay ang pagmamalasakit ng Diyos.  Nang makita ng mga alagad na gumagabi na ay lumapit sila sa ating Panginoon at sinabing paalisin na ang mga tao nang sa gayon ay makahanap sila ng kanilang matutuluyan at makakain.  Subalit iba ang nakita ng ating Panginoon.  Sa kanyang mga mata, ang mga taong naroon ay nangangailangan ng pagkain at kanlungan na magmumula sa kanya.  Ang tugon ng Panginoon ay bigyan sila ng pagkain.  Isang utos, o pagsubok na tila hindi kayang harapin ng mga Apostol.  Kanya-kanya na lamang.  Ito marahil ang kanilang iniisip.  

Pangalawa ay ang pagbibigay ng Diyos.  May pagkain dala ang mga Apostol.  Limang tinapay at dalawang isda.  Hindi ito makasasapat sa mahigit na limang libong tao.  Iyan ang pinangangambahan ng mga taga sunod ni Hesus.  Sa totoo ay hindi nga ito makasasapat. Ganon pa
man, ay pinaupo pa rin nila ang mga tao.  Kung ito ay sasapat ay tila si Hesus lamang ang nakababatid, subalit ang mahalaga ay ibibigay pa rin nila ito sa mga taong nangangailangan.  

Pangatlo ay ang kapangyarihan ng Diyos.  Kinuha ni Hesus ang mga tinapay at mga isda, tumingala sa langit, binasbasan ang mga ito, pinaghati-hati at iniabot sa kanyang mga alagad upang ibahagi.  Yan ang kapangyarihan ng Diyos. Ang
Diyos na manlilikha ang siyang magpaparami sa pagkain upang ito ay maging sapat sa lahat ng naroroon.  Nagpapaala sa atin na ang kababalaghan ay naisasakatuparan dahil sa kapangyarihan ng Diyos.  Lahat ay napunuan, lahat ay nabusog.  At sa huli ay mayroon pang labindalawang bakol ng pagkaing natira.

Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Katawan at Dugo ng ating Panginoon, pinapaalalahanan tayo na kung paanong si Kristo ay naging pagkain na bubusog sa ating kaluluwa.  Sa pamamagitan ni Hesus, at sa ating pagtanggap sa kanya sa Sakramento ay nauulit ang pagmamalasakit ng Diyos, ang kanyang pagbibigay sa atin, at higit sa lahat ay ang pagpapamalas niya ng kapangyarihan.  Lahat ng ito ay para sa ating kapakanan.  At marahil nais ng Diyos, sa pamamagitan ng Katawan at Dugo ni Hesus na napapasaatin, nawa tayo man ay mga maging mapagmalasakit, mapagbigay at sumasampalataya sa bunga ng kapangyarihan ng Diyos sa ating mga kapwa.  Kung magkagayon, tayo ay patuloy na bubusugin ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. 

 

 l Father Alfredo Rollon